
Makabuluhang idinaos ang 2026 Katarungang Pambarangay Trainers’ Training noong ika-22 hanggang 25 ng Hunyo 2026 sa Penthouse, Malabon City Hall, na nilahukan ng mga Punong Barangay, mga Barangay Secretary, mga miyembro ng Lupong Tagapamayapa, at mga Katarungang Pambarangay staff. Naging pangunahing tagapagsalita sa nasabing aktibidad ang dating DILG-NCR Legal Officer na si Atty. Racel S. Jose na tinalakay ang pag-oorganisa ng Lupong Tagapamayapa, mga saklaw ng kapangyarihan nito, mga pamamaraan at teknikal na aspeto ng pag-aayos ng alitan, gayundin ang mga karaniwang isyu kaugnay ng Katarungang Pambarangay (KP).
Samantala, tinalakay naman ni LGOO VI Eligio B. Bagahnsol ang tungkol sa administrasyon ng KP, kabilang ang tamang paghahanda ng blotter, paggamit at pagsagot sa mga KP Forms, at ang pagpapatupad ng KP Database para sa mas maayos na pamamahala at dokumentasyon ng mga kaso. Bilang bahagi naman ng pagbabahagi ng mga matagumpay na inisyatibo, ibinahagi ni Councilor Ian Borja ang mga best practices ng Barangay Panghulo, na kinilala matapos nitong makamit ang ikalawang pwesto sa Lupong Tagapamayapa Incentives Awards (LTIA) para sa Highly Urbanized City Category sa loob ng dalawang magkasunod na taon.
Buong suporta rin ang pinakita ni Mayor Jeannie N. Sandoval, kung saan binigyang-diin niya kahalagahan ng KP bilang mahalagang mekanismo sa pagpapanatili ng kapayapaan at mabilis na pagresolba ng mga alitan sa komunidad. Hinikayat din niya ang mga kalahok na patuloy na palakasin ang kanilang kapasidad at gampanan ang kanilang mahalagang papel bilang katuwang ng pamahalaang lungsod sa paghahatid ng makatarungan at maayos na serbisyo sa mga Malabueño.
Sa kabuuan, ang nasabing pagsasanay ay patunay ng patuloy na dedikasyon ng DILG Malabon sa pagpapatibay ng Katarungang Pambarangay bilang haligi ng mapayapa, maayos, at responsableng pamamahala sa antas ng komunidad. Sa pamamagitan ng pinahusay na kaalaman, kasanayan, at pagbabahagi ng mga mabubuting gawain, inaasahang higit pang mapalalakas ang kakayahan ng mga barangay na maghatid ng mabilis, patas, at epektibong pagresolba ng mga alitan. Kaakibat nito, patuloy na isusulong ang isang sistemang pangkatarungan na mas malapit, mas maaabot, at tunay na tumutugon sa pangangailangan ng bawat mamamayan.
