Bilang bahagi ng patuloy na pagpapatibay sa kakayahan ng ating mga barangay, nakiisa ang DILG-NCR sa ginanap na 2026 Listong Barangay Forum.

Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ng DILG Malabon Field Office, katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon, noong ika-25 hanggang ika-26 ng Agosto 2026. Dumalo sa dalawang araw na pagtitipon ang mga kinatawan mula sa Barangay Disaster Risk Reduction and Management Committees (BDRRMC) sa buong lungsod.

Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng kaligtasan sa Malabon, nagbigay ng makahulugang mensahe sina Mayor Jeannie Sandoval at DILG City Director Jess Marie Acoba, CESO V, upang ipahayag ang buong suporta ng pamahalaang lungsod gayundin ang DILG Malabon Field Office sa mga programang nakatuon sa disaster risk management. Ang hakbang na ito ay naglalayong tiyakin na ang bawat barangay ay may sapat na kasanayan, kagamitan, at kakayahan para sa mabilis at epektibong pagtugon tuwing may dumating na sakuna.

Sa naturang dalawang araw na programa, nagsagawa ng sesyon ang DILG-NCR tungkol sa Listo si Kap (Komunidad at Punong Barangay). Pinangunahan ito ni LGOO VI/Section Chief Benjielyn F. Yu-Roxas, kasama si LGOO III Elgreco B. Flores. Layunin nitong patatagin ang kaalaman at kahandaan ng BDRRMC sa mga sakuna. 

Batay sa Memorandum Circular No. 2025-035, nakapaloob dito ang mga pangunahing responsibilidad ng mga BDRRMC bago, habang, at pagkatapos ng isang sakuna. Kabilang dito ang pagtatag ng estruktura tulad ng 24/7 Operations Center at tamang paggamit ng BDRRM Fund. Tinututukan din ang pagbuo ng mga polisiya, Contingency Planning, at regular na disaster drills. Bukod dito, pinalalakas ang kakayahan sa early warning systems, search and rescue, at Rapid Damage Assessment. Tinitiyak din ang sapat na kagamitan para sa emergency response. Binigyang-diin na ang mabilis na pagresponde ay nagsisimula sa epektibong pamumuno ng Punong Barangay bilang pinuno o lider ng BDRRMC.

Sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, muling napag-ibayo ang pagkakaisa at ugnayan ng mga punong barangay at ng pamahalaang lokal. Ang aktibong pakikilahok ng bawat kasapi ng BDRRMC ay isang malinaw na patunay ng patuloy na pagsusumikap ng DILG Malabon at ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon na makabuo ng isang ligtas, maagap, at matatag na pamayanan laban sa anumang banta ng kalamidad.

Natapos ang dalawang araw na forum nang may panibagong sigla at determinasyon ang mga kinatawan ng barangay na ipatupad ang kanilang mga natutunan. Patuloy namang kaagapay ang DILG-NCR sa pagbibigay ng gabay at suporta upang matiyak na ang bawat barangay sa Metro Manila ay manatiling handa at ‘listo’ sa lahat ng pagkakataon.