Aktibong nakilahok ang Kagawaran ng Interyor at Lokal na Pamahalaan – Pambansang Punong Rehiyon (DILG-NCR) sa isinagawang Local Disaster Risk Reduction and Management Plan Training of Trainers (LDRRMPTOT) na pinangunahan ng Office of Civil Defense-National Capital Region (OCD-NCR) mula ika-10 hanggang ika-14 ng Agosto 2026 sa BSA Twin Towers Hotel, Lungsod ng Mandaluyong.

Layunin ng pagsasanay na paigtingin ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan sa pagbuo ng kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Plan (LDRRMP) alinsunod sa mga bagong alituntunin batay sa Enhanced Guidebook on Formulation of LDRRMPs. 

Sa unang apat na araw ng pagsasanay ay sumailalim ang mga kalahok sa mga pagsasanay para mapaunlad ang kaalaman at kahusayan nila sa mga bagong alituntunin para sa pagbuo ng LDRRMP, gaya ng pagkakaroon ng ugnayan sa mga plano ng iba’t-ibang sektor, partikular sa mga pangmatagalang plano ukol sa pagresolba ng mga “residual risk” o mga nakaambang panganib na resulta ng kakulangan ng mga naunang plano at proyekto. 

Sa ikalimang araw naman ay sumailalim ang bawat kalahok sa “Return Demo” upang tasahin ang kanilang mga natutunan. Ito ay kaugnay sa layunin ng LDRRMPTOT na makapagsanay ng mga propesyunal na maaaring magsilbi bilang mga tagapagsanay sa mga susunod na LDRRMPTOT sa loob at labas ng rehiyon. 

Matagumpay na nakapasa at nakapagtapos sa pagsasanay ang dalawampu’t walong kalahok na binubuo ng mga kawani mula sa mga ahensiyang pangrehiyon ng pamahalaan at mga lokal na DRRM office (LDRRMO), kabilang ang dalawang kawani mula sa DILG-NCR na sina LGOO III Mervin Ivan C. Tumada at LGOO III Ramon Christopher A. Caballero.

Ang pakikiisa ng DILG-NCR sa LDRRMPTOT ay bahagi ng patuloy na pagsulong ng ahensiya para sa mas ligtas, nakakaangkop at mas matatag na Pambansang Punong Rehiyon.